
TUMATANDA NA KAMI. parang kelan lang, buong tapang akong kinakabahan habang pansamantalang 'di na inisip ang sermon na dadatnan pag-uwi ko sa bahay, makatambay lang kasama ng barkada sa kadiliman ng plaza.
araw-araw nagrereklamo ako, ang bagal ng oras. lalo na pag nasa klasrum ako't naiinip sa klase. mabagal? sampal na naman. tignan mo ngayon. halos lahat kame 'legal age' na. pwede na manood ng bold. bumili ng yosi, ng alak. pwede nang tumoma't magsayaw sa saliw ng maaalindog na tugtugin sa mga club at bar sa Malate. wala nang inaalintana. pwede na ngang magpakasal kahit wala nang kunsinte ng magulang e. marami nang pwede. kokonti na lang ang bawal.
nakakapanibago. nakakamis din kase 'yung gumagawa ng kalokohan na merong thrill dahil menor de edad pa kami. mas masarap yung patagong gumagawa ng kabalastugan, may takot na mahuli.. ng titser, ng magulang, ng kaklaseng magsusumbong samen sa prefect of discipline dahil inggit sya kase wala syang social life di tulad namen. may takot na mapagalitan, mapahiya sa pamilya. nakakamis yung pagyayabang namen kapag nakapasok kame sa R-18 na pelikula sa sinehan nang dire-diretso, kahit pa sa totoo e kinukumbulsyon na sa kaba ang dibdib namen. YUN. yun ang masaya.
nakakamis yung mga panahong wala kaming ginagawa. ang pinoproblema namen e kung pano magpaalam sa magulang para makanuod ng concert ng sinung banda, o kaya mapayagang mag-overnight sa bahay ng kaibigan, o kaya payagang mag-mall this weekend. HA. kung alam lang namen kung gano ka-iba ang mga puprublemahin namen pagdating ng panahon, siguro mas niyakap namen yung mga panahong yun.
hindi naman sa kadurdur na talaga ang buhay-buhay ngayon, pero malaki ang pagkakaiba e. dati ang iniisip lang namen e yung malapit nang matamasang 'kalayaan' dala ng paparating na kolehiyo. wa kameng ginawa kundi magpagulong-gulong sa koridor at magpakyut, makipaglampungan, magmuni-muni at mapuno ng excitement sa magiging buhay namin pagkagraweyt ng college.
ang inisip lang kasi namen e yung pagtira malayo sa bahay, walang parents, walang rules. ang sarap nga naman kase. pwede ka kumain ng kahit anong gusto mo, kung kelan mo gusto. pwede maglagalag sa daan o maglakwatsya at umuwe kahit pag umaga na. wala ka nang iniintindi sa mundo kundi ang sarili mo. lalu na sa lagay ko dahil mag-isa lang ako sa inuupahan kong kwarto ngayon. heaven!
PERO hindi lang lahat tungkol dun. kung tutuusin, minor ek ek lang yung mga 'pribilehiyo' na nabanggit ko sa itaas. walang binatbat sa mga kapalit. mga responsibilidad na parang na-package deal na sa kolehiyo. walang nanay e, walang masarap na almusal. walang 'totoong' almusal. kapag nagutom ka, kelangan pang bumaba at bumili. sa bahay hindi ganun e. nakahapag na, lalamunin mo na lang. ang matindi talaga, dahil wala si inay, kelangan mong masanay sa alarm clock. kelangan mong matutunan ang 'skills' para matagumpay na magising sa tunog ng alarm, kasi walang gigising sa'yo. masaklap yan, lalu na kung tulad ko, na nasanay kang ginagawa lahat para sa'yo. pagkatapos e alas syete pa pasok mo. nakupo. groceries? matututo ka ding mag-budget, dahil weekly ang allowance. di tulad dati na pag nagkulangan ka e pwede kang kumupit o manghingi kay itay. ngayon, wala. gipit kung gipit. prublema mo na yun. matututo ka ring mahiwalay sa totoong mundo. wala kasi akong TV dito e. pag umuuwi ako pag bakasyon o weekends e nabibigla na lang ako sa mga balitang nagaganap na pala sa mundo. bombahan. awayan. gyera. buntisan. pagpapakalbo ni britney. mga chismis. sa mga bago at natapos nang palabas sa tv. mga bago at nadedong artista. mga bagong kanta. (grabe buti naka-internet ako kung hinde magiging social outcast na talaga ako.) matututo kang kumilatis ng tao. wala na kasing 'isusumbong kita sa mommy ko' drama sa college e. sarili mo na lang. makisama ka para mabuhay. o kaya e kayanin mo mag-isa. either way, mahirap. at kapag me projects? wala na si yaya para mautusang bumili ng gagamitin. sariling sikap na pare. dyan talaga ako nagdusa, lalu na nung first year pa lang. adjustment period, impyerno talaga. wala pang heater yung banyo kaya kung 7 AM ang pasok e nanginginig pakong naliligo sa nagyeyelong tubeg pag umaga. pumapasok din ang kahalagahan ng mga instant na bagay. mga bespren ng mga naka-dorm, instant noodles. 3 in 1 coffee. mga convenience store na sobrang mahal ng mga bilihin pero mas pipiliin na ng madami kesa bumyahe pa sa mga supermarket. effort!
at ngayong alas dose, isa na naman sa amin ang tatanda. isang taong dagdag sa kaalaman, sa karanasan, sa pananaw sa buhay. nagbabago ang mga numero, pero hindi ang mga tao. at least samin ganun. pumayat man o tumaba ang iilan samin, nagbago ng hair style, mula punkista naging emo, naging fashionista atbp. nadagdagan ang mga nakarelasyon at nakaaway, nadagdagan ang tumulong luha, tawang hinalakhak, salitang binitawan. tumaas ang grado ng mata, nagpa-brace ng ngipin ang iba. lumaki ang allowance, mas madami nang mga lugar na napuntahan, mga taong nakilala at naimpluwensyahan. mga bagay na nangyari. dating mga batang walang sinasanto't pinuprublema. ngayon nababalot na ng mga maskara, pilit kumikilos ayon sa edad, ayon sa hinihiling ng mundo at panahon. pilit pinapatunayan sa mapanghusgang mundo na matatanda na kami. nilulugar ang aming mga tuldok sa planeta, hinahalikan ang mga parating pa.
bata man o matanda, pumangit man o gumanda,
wala namang nagbago sa pagsasama.
dating barkada, kahit kelan, barkada.
happy bertdey bespren!

labyu. :D



shareenarciso011008:0000hrs.



1 mga komento:
Hello. This post is likeable, and your blog is very interesting, congratulations :-). I will add in my blogroll =). If possible gives a last there on my site, it is about the CresceNet, I hope you enjoy. The address is http://www.provedorcrescenet.com . A hug.
Mag-post ng isang Puna